Sa pamamagitan ng paggamit ng mga mobile wallet tulad ng Coins.ph, ang pagpapadala ng pera ay mas napabilis at napadali na maihahalintulad sa pagpapadala ng email o text message. Paalala po na sa mga pagkakataong bumibili ng anumang bagay online, siguraduhing iyo itong binibili mula sa lehitimong nagtitinda (seller) bago mag-order at ipadala ang iyong bayad.
Narito ang mga maaaring gawing pagsusuri bago gawin ang pagbili online:
1. Humingi ng aktwal na larawan ng bagay na iyong balak bilhin
Kung ikaw ay nag-aalinlangan, magtanong ng mga karagdagang detalye patungkol sa produkto. Kung ang larawang ipinadala ay malabo o maaaring na-download lamang mula sa internet, humingi muli ng iba pang larawan na nagpapakita ng ibang angulo ng produkto upang masigurado na ito ay aktwal na nasa seller. Maging mapaghinala kung ang seller ay tumanggi na magbigay ng mga karagdagang larawan or detalye ng produkto.
Paalala: Ang mga manloloko (scammer) ay naghahanap ng mga taong madaling makumbinsi. Kadalasan, ang mga nanloloko ay may maikling pasensya sa pagsagot sa maraming katanungan.
2. Ang presyo ng produkto ay masyadong mababa para maging totoo
Kung ang presyo ay masyadong mababa o malayo sa orihinal nitong presyo o sa tinatawag na suggested retail price (SRP), maaaring hindi ito totoong produkto o kaya ay scam lamang. Siguraduhing suriin ang SRP at ikumpara ito sa presyo na inaalok ng ibang mga online seller bago mapagdesisyunan na ito ay bilhin.
3. Bumili mula sa mga verified o lehitimong online store
Mag-ingat lagi sa pagbili online at ugaliing gumamit ng mga lehitimong apps o platforms kung saan ang mga sellers ay dumadaan sa proseso ng beripikasyon (verification procedure) tulad ng Lazada o Shopee.
Paalala: Iwasan na makipagtransaksyon sa pamamagitan ng chat o text (SMS) sa mga taong hindi mo kakilala. Para makasigurado na ang seller ay mapagkakatiwalaan, mas makabubuti kung ikaw ay bibili sa mga matagal na at kilalang online shop. Kung ikaw ay bibili sa pamamagitan ng apps tulad ng Lazada o Shopee, piliin ang mga sellers na nasa LazMall o Shopee Mall sapagkat ito ang mga garantisado na tunay at mapagkakatiwalaan.
4. Tignan ang buyer ratings at reviews
Kung ang mga rating ng mga dating nakabili na o mas kilala sa tawag na "buyer ratings" ng seller o ng produkto ay masyadong mababa o hindi mabuti, mas mainam na maghanap na lamang ng ibang mapagbibilhan ng produkto o serbisyo.
Makatutulong din ang pagsusuri ng mga komentaryo ng mga nakabili na ng produkto o tinatawag namang "reviews" sa pagtukoy kung ang produkto ay lehitimo at kung iyo talaga itong matatanggap sa pagkakataong iyong bilhin ito.
Paalala: Maaari mo rin suriin kung ang mga naglagay ng mga ratings o reviews ay mga lehitimo o totoong mga tao na nakabili na ng produkto.
ANO ANG DAPAT KONG GAWIN KUNG AKO AY MAKAKITA NG MANLOLOKONG ONLINE SELLER?
Kung ikaw ay makakita o makakausap ng hindi tunay o manlolokong online seller, ipagbigay-alam ito kaagad sa PNP Anti-Cybercrime group sa pamamagitan ng pag-email sa acg@pnp.gov.ph upang ito ay maaksyunan at maiwasan na sila ay makapambiktima pa.
Kung ikaw naman ay makakita ng hindi tunay na seller na gumagamit ng Coins.ph para sa pagtanggap ng mga bayad, nakikisuyo po kami na ito ay maipagbigay-alam kaagad sa amin. Maaari po kayong magpadala ng mensahe dito o makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng iyong Coins.ph Wallet app.